Rider lasog, angkas kritikal sa signage
DARAGA, Albay, Philippines — Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang rider habang malubhang nasugatan ang kanyang angkas matapos silang bumangga sa isang bakal na signage sa Maharlika Highway na sakop ng Sitio Malada, Brgy. Malabog ng bayang ito kahapon ng madaling araw.
Nagtamo ng matinding pinsala sa katawan sanhi ng kanyang kamatayan ang biktimang si Richard Base Bañas, 28, ng Purok-2, Del Pilar Street, Brgy. Sogod, Bacacay habang patuloy na nilalapatan ng lunas ang angkas niyang si Maryjol Andes, 22, residente ng Brgy. Banquerohan, Legazpi City.
Ayon sa ulat, dakong alas-3:20 ng madaling araw, mabilis na binabagtas ng magkaangkas na biktima ang kahabaan ng highway mula sa bayan ng Guinobatan patungo sa direksyon ng Poblacion sa Daraga. Gayunman, pagdating nila sa palikong bahagi ng kalsada ay nawalan ng direksyon ang motorsiklo at malakas na bumangga sa signpost.
Sa lakas ng pagkakasalpok, tumalsik ang dalawa na agad isinugod ng mga sumaklolo sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa Legazpi City pero idineklarang patay si Bañas.
- Latest