Lady Bulldogs may misyon sa 2025
MANILA, Philippines — Gigil ang National University na maitarak ang back-to-back championships sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na magsisimula sa susunod na taon.
Bago lisanin ang kampo ng Lady Bulldogs, hangad ni reigning MVP Bella Belen na makumpleto ang back-to-back na matagal na nitong inaasam para sa NU.
Matapos magkampeon noong Season 84 ay hindi naisakatuparan ng Lady Bulldogs ang tangkang back-to-back noong Season 85 matapos matalo sa De La Salle University Lady Spikers sa finals.
Nabawi naman ng Lady Bulldogs ang korona noong Season 86 nang talunin nito sa championship series ang University of Santo Tomas.
Kaya naman sa pagkakataong ito ay target ng NU na masiguro ang back-to-back lalo pa’t intact pa rin ang kanilang tropa.
“Hindi kasi namin nagawa ‘yung back-to-back noong Season 85 kasi nga natalo kami sa La Salle. So this time, sana magawa namin,” ani Belen.
Maganda ang pre-season ng Lady Bulldogs kung saan napasakamay nito ang korona sa Shakey’s Super League Collegiate Pre-Season Conference.
Tinalo ng NU sa finals ang La Salle.
Tinukoy ni Belen si La Salle top spiker Angel Canino.
- Latest