Back-to-back wins sa FiberXers
MANILA, Philippines — Bumalikwas ang Converge mula sa malamyang panimula para talunin ang Phoenix, 116-105, sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
ito ang ikalawang sunod na arangkada ng FiberXers para sa kanilang 4-2 kartada.
Nadiskaril ang hangad ng Fuel Masters na back-to-back wins at nahulog sa 1-5 baraha.
“They came out really prepared. They caught us unaware, surprised,” ani Converge coach Franco Atienza sa Phoenix.
“But we give credit to our guys. We just stuck on, we didn’t panic, we retunred on how we run our system, how we run our offense,” dagdag nito.
Tumipa si Jordan Heading ng 21 points, 6 assists at 5 steals, habang may 21 markers din si import Cheick Diallo kasunod ang tig-16 points nina Schonny Winston at Bryan Santos.
Nag-ambag si Alex Stockton ng 14 markers.
Binuksan ng Fuel Masters ang laro sa 20-2 abante patungo sa 30-15 kalamangan sa first period kung saan umiskor si import Donovan Smith ng 18 points.
Nakalapit ang FiberXers sa halftime, 48-54, at nakatabla sa 56-56 sa likod nina Stockton, Diallo at Kevin Racal sa 8:55 minuto ng third quarter.
Tuluyan nang naagaw ng Converge ang bentahe sa 74-69 sa 4:03 minuto ng nasabing yugto matapos ang three-point play ni Stockton at fastbreak layup ni Heading.
Nakabangon ang Fuel Masters mula sa 80-87 third-quarter deficit para makadikit sa 94-95 sa 6:08 minuto ng fourth quarter.
Ang dalawang free throws ni Diallo kasunod ang kanyang jumper ang muling naglayo sa Converge sa 110-99 sa huling 53.9 segundo.
Nagsalpak si Stockton ng dalawang foul shots matapos ang turnover ni Phoenix forward Jason Perkins sa nalalabing 39.6 segundo.
- Latest