PH bets hakot ng ginto sa World Jiu-jitsu
MANILA, Philippines — Humakot ng gintong medalya ang Pinoy jiu-jitsu squad sa prestihiyosong Sports Jiu-jitsu International Federation World Championship na ginanap sa Nagoya, Japan.
Bumandera sa matikas na ratsada ng tropa si Brielle Bartolome na sumiguro ng dalawang gintong medalya sa gi at no gi divisions ng torneo.
Pinagreynahan ni Bartolome ang kindergarten featherweight sa no gi category kung saan tinalo nito si Peng Nian ng China via armbar.
Agad itong sinundan ni Bartolome nang isa pang gintong medalya matapos patumbahin si Nishimoto Wakana ng Japan para mamayagpag sa kindergarten gi rooster-weight division.
Nakahirit din ng gintong medalya si Marcus Dela Cruz sa youth light featherweight no gi kung saan tinalo nito si Ma Haisen ng China sa finals.
Nasiguro naman ni Cesca Lepiten ang ginto sa youth gi featherweight matapos payukuin si Kimura Alana Liu ng Japan via armbar.
Hindi nagpahuli si Thiago Bartolome na nanalo kay Laptev Maksim sa gold-medal match para pagharian ang pre-teen no gi middleweight.
Nakahirit din ng gintong medalya sina Claudia Lepiten sa toddler gi light featherweight, Tessa Joson sa junior teen featherweight, Ali Joson sa kindergarten no gi rooster-weight, Tomas Joson sa youth rooster-weight, Ethan Ramos sa pre-teen lightweights at Uno Ordona sa pre-teen medium heavyweights sa torneong nilahukan ng US, Japan, China, South Korea, Brazil, Hong Kong at Pilipinas.
- Latest