PH kickboxers sumipa ng 2 golds
MANILA, Philippines — Humakot ang national kickboxing team ng dalawang gintong medalya sa Asian Kickboxing Championships na ginaganap sa Phnom Penh, Cambodia.
Bumandera sa matikas na ratsada ng Team Philippines si Jovan Medallo na siyang nagbigay ng unang dalawang gintong medalya ng tropa sa naturang torneo.
Pinagharian ni Medallo ang Musical Forms with Weapon kung saan nagrehistro ito ng 28.3 puntos para igupo sina Chinese-Taipei bets Chi Hsuan Yu at Chiu Ta-Ting na nagkasya sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.
Kasunod nito ang pamamayagpag ni Medallo sa Musical Form Open Hand para makuha ang kanyang ikalawang gintong medalya.
Naglista si Medallo ng 28.6 points para muling pataubin si Chi na nagtapos sa ikalawang puwesto at Fatwa Ramadhan ng Indonesia na siyang nakakuha ng tanso.
Nakahirit pa si Medallo ng tanso sa Creative Form with Weapon event.
Umani naman si Janah Lavador ng tatlong tansong medalya sa Musical Forms (With at Without Weapon) at Creative Form with Weapon.
Nagbigay ng mainit na mensahe ang Philippine Olympic Committee (POC) at Samahang Kickboxing ng Pilipinas sa tagumpay ni Medallo.
“These incredible athletes continue to show the world the strength and skill of Filipino kickboxers,” ayon sa post ng POC sa kanilang social media.
- Latest