Tropang Giga nakadalawa amores pinatawan ng one-conference ban
MANILA, Philippines — Dalawang panalo pa ang kailangan ng nagdedepensang TNT Tropang Giga para makabalik sa PBA Finals.
Ito ay matapos dalawahan ng Tropang Giga ang Rain or Shine Elasto Painters, 108-91, sa Game Two ng Season 49 PBA Governors’ Cup semifinal series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Itinayo ng TNT ang 2-0 bentahe sa kanilang best-of-seven showdown ng Rain or Shine.
Nakipagsabayan ang Rain or Shine sa first half kung saan naiwanan lamang sila sa 44-47.
Ngunit sa third period ay nagsalpak si Calvin Oftana ng dalawang three-point shots para ilayo ang TNT sa 55-44 patungo sa 77-60 abante.
Ganap nang nakontrol ng Tropang Giga ang laro nang itarak ang 26-point lead, 91-65, matapos ang jumper ni import Rondae Hollis-Jefferson sa pagsisimula ng fourth quarter.
Samantala, pinatawan ng PBA ang kontrobersyal na si NorthPort guard John Amores ng one-conference suspension.
“Parang anak natin itong mga players. Kapag may anak tayo, pinaparusahan natin, pero ‘di natin pinapabayaan,” sabi ni PBA Commissioner Willie Marcial.
Nasangkot si Amores sa isang shooting incident sa Lumban, Laguna noong Setyembre 25 dahil sa isang pick up game.
Sa desisyon ng PBA ay hindi makakapaglaro si Amores para sa Batang Pier sa kabuuan ng darating na Commissioner’s Cup at hindi rin siya tatanggap ng suweldo.
- Latest