Altas laglag sa Generals
MANILA, Philippines — Ibinagsak ng Emilio Aguinaldo College ang University of Perpetual Help System DALTA sa ikaapat na dikit na kamalasan sa bisa ng 78-70 panalo sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nagtala si guard King Gurtiza ng 21 points, 2 rebounds, 2 assists at 2 steals para sa 5-5 record ng Generals.
Umiskor si Wilmar Oftana ng 12 markers at may 10 points si Gelo Loristo.
Laglag ang Altas sa 4-6.
Bumangon ang EAC mula sa isang 24-point deficit sa Perpetual para sa kanilang ikalawang sunod na ratsada.
Pinamunuan ni Shawn Orgo ang Altas sa kanyang 16 points.
Sa unang laro, niresbakan ng Lyceum of the Philippines University ang Colegio de San Juan de Letran, 91-68.
Itinaas ng Pirates ang kanilang kartada sa 5-5 at inihulog ang Knights sa 6-4 marka.
Nauna nang tinalo ng Letran ang Lyceum, 78-66, sa first round.
Bumira si Renz Villegas ng 23 points at naglista si John Barba ng 19 points at 11 rebounds para sa Pirates na umiskor ng 21 points sa fourth period kumpara sa pitong marka ng Knights.
- Latest