Sports tourism sa Puerto Princesa palalakasin ng World Dragon Boat tilt
MANILA, Philippines – Matutulungan ng idaraos na International Canoe Federation (ICF) World Dragon Boat Championships ang turismo ng Puerto Princesa City.
Ito ang kumpiyansang pahayag kahapon ni Philippine Canoe-Kayak Dragon Boat Federation (PCKDF) president Leonora ‘Len’ Escollante sa world meet na sasagwan sa Oktubre 28 hanggang Nobyembre 4.
“Kaya naman po at lubos ang aming pasasalamat sa tulong at suportang ibinigay ni Puerto Princesa City Mayor (Lucillo) Bayron. Isa pong malaking tulong sa ating mga atleta at sa programa ng PCKDF na palawigin ang sports sa pagsasagawa ng malalaking torneo na tulad nito,” ani Escollante sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) “Usapang Sports” na itinataguyod ng Behrouz Persian Cuisine, Pocari Sweat at Philippine Sports Commission.
Bukod sa pagdagsa ng mga foreign athletes na sasabak sa torneo ay mabibigyan din nito ng pagkakataon ang Puerto Princesa na maipakita ang kagandahan ng lungsod.
Kabuuang 2,000 atleta at opisyales mula sa mahigit 30 bansa ang lalahok sa world dragon boat championship na isasagawa sa bansa sa unang pagkakataon.
Darating sa bansa ang mga bigating paddlers ng Germany, China, Poland, Slovenia, Indonesia at Russia.
“Nagpapasalamat din kami syempre sa Philippine Sports Commission, sa Immigration department, Customs at sa Armed Forces of the Philippines na tulung-tulong para mas maging madali ang preparasyon natin sa hosting,” wika ni Escollante.
Kabuuang 52 events, tampok ang mixed 10-seater smallboat na siyang sentro ng paligsahan dahil ito ang aprubado ng ICF bilang qualifying meet para sa 2025 World Games sa China.
“Siyempre, bukod sa pagiging matagumpay na host, target natin na makakuha ng podium finish at pinakaimportante para sa ating koponan ‘yung mixed — anim na lalaki at apat na babae — na gagamiting qualifying meet para sa World Games,” dagdag ni Escollante.
- Latest