Racela gagawin ang coaching debut sa Altas
MANILA, Philippines — Sa paggiya ng isang PBA legend bilang bagong head coach, kumpiyansa ang University of Perpetual Help System DALTA sa kanilang kampanya sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
Unang lalabanan ng Altas ang Jose Rizal Heavy Bombers sa kanilang pagsalang ngayong alas-11 ng umaga sa Filoil EcoOil Arena sa San Juan City.
Gagawin ni dating PBA guard Olsen Racela ang kanyang coaching debut para sa Perpetual na naglista ng 10-8 record noong Season 99 para sa fifth place finish.
Pamumunuan ni team captain Christina Pagaran ang tropa.
“Pinaghandaan ko talaga itong Season 100, kasi ito na ‘yung last playing year ko as collegiate player, at siyempre hinanda ko ‘yung sarili ko na maging co-leader together with Nat Sevilla and role model kami sa mga teammates namin, especially sa mga rookies,” ani Pagaran.
Sa ikalawang laro sa alas-2:30 ng hapon ay mag-uunahan ang nagdedepensang San Beda at St. Benilde sa pagtatayo ng 2-0 record.
Tumipa ang Red Lions ng 79-63 panalo sa Lyceum Pirates, habang tinalo ng Blazers ang Mapua Cardinals, 78-65.
“It’s because of our preparation that we were able to have during the preseason pero there’s still a lot more to improve, especially itong first games sa NCAA,” ani San Beda coach Yuri Escueta.
Matibay na depensa ang itatapat ng St. Benilde.
- Latest