Strong Group-Pilipinas lumapit sa misyon sa 43rd Jones Cup
MANILA, Philippines — Lumapit ng dalawang hakbang mula sa primera puwesto at hangad na kampeonato ang Strong Group-Pilipinas matapos hambalusin ang Japan U22 team, 92-79, para sa malinis pa ring kartada sa 43rd William Jones Cup kahapon sa Taipei, Taiwan.
Walang makaawat kay Chris McCullough na tumipa na naman ng kumpletong 26 points, 7 rebounds, 3 assists at 3 steals upang giyahan ang Strong Group sa isa namang kumbinsidong panalo.
Umalagwa ang Strong Group sa second quarter, 32-18, at hindi na lumingon patungo sa kanilang ikaanim na sunod na panalo.
Naisakatuparan nila ito sa tulong nina DJ Fenner at Jrdan Heading na may 17 at 11 points, ayon sa pagkakasunod.
Sumuporta din si Kiefer Ravena na may siyam na marka at Isaac Go na may walong puntos para sa mga bataan ni coach Charles Tiu.
Unang kinaldag ng Strong Group ang UAE, 104-79, BSBL Guardians ng Australia, 91-69, Ukraine, 82-74, Malaysia, 89-54, at Future Sports USA, 112-90.
Ang host teams na Chinese Taipei A (5-0) at Chinese Taipei B (2-3) na lamang ang nakaharang sa daan ng Pinas upang masungkit ang ika-pitong titulo ng bansa.
Huling magkampeon ang Pilipinas sa Jones Cup noong 2019 tampok ang Mighty Sports.
Walang playoffs ang Jones Cup kumpara sa ibang torneo kaya kung sino ang magiging numero unong koponan pagkatapos ng eliminasyon ay siya na kaagad tatanghaling kampeon ng torneo.
Kinulang ang 17 points ni Hiyuu Ozaw pati na ang tig-10 markers nina John Lawrence Harper, Ryosuki Saeki at Ryosei Sato para sa Japan U22 na bagsak sa 3-3 kartada.
- Latest