Yulo binigyan ng POC ng 2 house and lot
MANILA, Philippines — Hindi lamang isa kundi dalawang house and lot sa Tagaytay City ang ibinigay ng Philippine Olympic Committee (POC) kay Olympic Games double-gold medalist Carlos Yulo.
Sinabi kahapon ni POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino na ang regalo sa Pinoy star gymnast ay para sa makasaysayan nitong dalawang gintong medalyang kinuha sa nakaraang 2024 Olympics sa Paris, France.
Ang dalawang two-storey homes na may sukat na 500 square meters ay nagkakahalaga ng P15 milyon.
Lagpas na sa P100 milyon ang natanggap na mga cash incentives at cash rewards ng 24-anyos na si Yulo bukod sa isang condo unit.
Hindi lamang si Yulo ang binigyan ni Tolentino ng house and lot kundi maging sina bronze medalists Nesthy Petecio at Aira Villegas ng women’s boxing.
“It’s now a tradition, first Hidilyn Diaz (Naranjo) deserved all the best for giving the country its first Olympic gold medal and now, it’s the turn of Caloy (Yulo), Nesthy and Aira to be feted with the same reward for their historic efforts,” sabi ng Tagaytay City Mayor.
Binigyan ng POC chief sina Petecio at Villegas ng bungalow sa magkahiwalay na 200-square meter lots.
Ito ang ikalawang bahay ni Petecio sa Tagaytay City matapos ding bigyan ni Tolentino ng house and lot mula na sinuntok na silver medal sa Tokyo 2020 Olympics.
Tig-isang house and lot din ang natanggap nina Tokyo Games silver medalist Carlos Paalam at bronze medalist Eumir Felix Marcial mula sa POC head sa isang compound na tinawag na Olympic Village sa Tagaytay City.
“All the rewards and bonuses that go our medalists’ way are well-deserved, it’s not easy to medal in the Olympics, it takes years, it takes focus, discipline and determination,” wika ni Tolentino.
Idinagdag ng POC president na karapat-dapat lamang sina Yulo, Petecio at Villegas na tumanggap ng mga regalo.
- Latest