Gawilan nagpasalamat sa Pinoy fans
MANILA, Philippines — Hindi pinalad si four-time Asian Para Games champion Ernie Gawilan na makasungkit ng medalya sa Paris Paralympics swimming competitions na ginaganap sa Paris La Defense Arena.
Nagkasya lamang ito sa ikaanim na puwesto sa men’s 400m freestyle S7 final matapos magrehistro ng limang minuto at 3.18 segundo.
Gayunpaman, magandang improvement ito para kay Gawilan na nasa ikapitong puwesto sa Tokyo Paralympics noong 2021 na ginanap sa Japan.
Mas maganda ang oras ni Gawilan sa qualifying round kung saan nagsumite ito ng 5:00.13 para manguna sa kanyang heat.
Napasakamay ni Federico Bicelli ng Italy ang ginto tangan ang 4:38.70 habang pumangalawa si Andrii Trusov ng Ukraine (4:40.17) at ikatlo si Inaki Basiloff ng Argentina (4:40.27).
Nagpasalamat si Gawilan sa lahat ng Pinoys na sumuporta sa kanyang laban.
“Maraming salamat po sa tiwala ninyo… Ginawa ko na po lahat mailap lang po talaga. Sobrang naa-appreciate ko po kayong lahat,” ani Gawilan.
- Latest