King, Barefield bumida sa Bossing
MANILA, Philippines — Tila hulog ng langit si import George King para sa Blackwater.
Nagpaputok si King ng 44 points para igiya ang Bossing sa 123-111 paggiba sa Phoenix Fuel Masters sa PBA Season 49 Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Inihatid ni King ang Blackwater sa ikalawang sunod na panalo matapos ang 0-3 panimula habang naglista si No. 2 overall pick Sedrick Barefield ng conference-high 32 markers, 5 assists at 3 rebounds.
“He’s been great. Coming in I knew him from college, we played against each other, we were cross town rivals Utah and Colorado,” pahayag ni Barefield kay King. “And I knew he was the ultimate professional. He could shoot the ball and play multiple positions.”
Laglag ang Phoenix sa 0-4 bagama’t nakahugot kay bagong import Brandon Francis, pumalit kay Jay McKinnis, ng 45 points sa kanyang PBA debut.
Nag-ambag si Jason Perkins ng 29 markers para sa Fuel Masters na nakadikit sa 104-109 sa 5:35 minuto ng fourth period matapos maiwanan sa 66-81 sa third quarter.
Ang 3-point play, isang jumper at isang freethrow ni Barefield ang muling naglayo sa Bossing sa 115-104 sa huling 3:06 minuto ng laro.
Samantala, target ng Meralco ang ikatlong sunod na ratsada sa pagharap sa Converge ngayong alas-5 ng hapon kasunod ang banggaan ng Magnolia at NorthPort sa alas-7:30 ng gabi sa Big Dome.
Magkasunod na tinalo ng Bolts ang Terrafirma Dyip, 107-91, at ang Batang Pier, 109-99, para ilista ang 3-1 record sa Group A.
- Latest