Cool Smashers asam ang liderato
MANILA, Philippines — Tatangkain ng defending champion Creamline na muling masolo ang liderato sa pagharap nito sa F2 Logistics sa pagpapatuloy ng 2023 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference ngayong araw sa Philsports Arena sa Pasig City.
Inaabangan na ang pagtutuos ng Cool Smashers at Cargo Movers sa alas-6:30 ng gabi matapos ang duwelo ng Cignal at Petro Gazz sa alas-4 ng hapon.
Magkasalo sa No. 1 spot ang Creamline at Chery Tiggo na parehong may malinis na 3-0 baraha, habang nakabuntot ang F2 Logistics sa ikatlo bitbit ang 2-1 marka.
Hindi problema para sa Cool Smashers ang pagkawala ni team captain Alyssa Valdez na kasalukuyan pang nagpapagaling sa kaniyang injury.
Namamayagpag ang Creamline na nakasakay sa three-game winning streak kabilang ang 25-18, 25-13, 25-14 demolisyon sa Choco Mucho noong Martes.
Si opposite hitter Michele Gumabao ang pumalit kay Valdez sa starting lineup.
At hindi binigo ni Gumabao ang lahat dahil nakakapag-ambag ito ng malaking puntos na tulad ng ginagawa ni Valdez.
Sa katunayan ay si Gumabao ang top spiker hindi lamang ng Creamline kundi sa buong liga kung efficiency ang pag-uusapan.
Malaki rin ang kontribusyon nina two-time MVP Tots Carlos, Jema galanza, Ced Domingo at Jeanette Panaga kasama pa si veteran playmaker Jia Morado.
Subalit haharap ang Cool Smashers sa Cargo Movers na gigil na makabalik sa porma matapos lumasap ng 19-25, 14-25, 16-25 kabiguan sa Crossovers noong Huwebes.
Sa naturang laro ay nalimitahan lamang sa isang puntos si F2 Logistics top scorer Kim Kianna Dy.
- Latest