Andrew Wiggins pinakitaan ang dating team na Wolves
SAN FRANCISCO — Dinomina ni Andrew Wiggins ang kanyang mga dating teammates sa iniskor na season-high 35 points sa paggiya sa Golden State Warriors sa 123-110 panalo sa Minnesota Timberwolves.
Tumipa si Wiggins ng 22 markers sa first half para sa Golden State at nagsalpak ng dunk laban sa dating katambal na si Karl-Anthony Towns ng Minnesota.
Nagdagdag si Stephen Curry ng 25 points at may 14 markers si Jordan Poole para sa pagtatala ng Warriors ng NBA-leading record na 10-1.
Kumamada si Anthony Edwards ng career-high 46 points para sa ikaanim na sunod na kamalasan ng Timberwolves na hu-ling nakadikit sa 100-105 agwat sa ilalim ng tatlong minuto ng laro.
Sa Orlando, humataw si Kevin Durant ng 30 points at itinala ni James Harden ang kanyang ika-59 career triple double sa 123-90 panalo ng Brooklyn Nets (8-4) sa Orlando Magic (3-9).
Tumapos si Harden na may 17 points, 11 rebounds at 11 assists.
Sa Los Angeles, kumolekta si Russell Westbrook ng triple-double na 25 points, 14 assists at 12 rebounds sa 120-117 overtime win ng Lakers (7-5) laban sa Miami Heat (7-4).
Hindi pa rin naglalaro si Lakers superstar Le-Bron James dahil sa kanyang strained abdominal muscle.
Sa Cleveland, isinalpak ni Kyle Kuzma ang isang go-ahead 3-pointer sa huling 12 segundo para itakas ang 97-94 panalo ng Washington Wizards (8-3) laban sa Cavaliers (7-5).
Sa New York, tumipa si Pat Connaughton ng season-high 23 points sa 112-100 pagdaig ng nagdedepensang Milwaukee Bucks (6-6) sa Knicks (7-5).
Sa iba pang laro, giniba ng Boston Celtics ang Toronto Raptors, 104-88 at iginupo ng Chicago Bulls ang Dallas Mavericks, 117-107; at pinataob ng Detroit Pistons ang Houston Rockets, 112-104.
- Latest