Gilas pukpukan sa ensayo
MANILA, Philippines — Walang balak magpatumpik-tumpik si Gilas Pilipinas coach Tim Cone dahil ikakasa nito ang pukpukang training camp sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Ito ang hangad ni Cone para mabilis na makabuo ng solidong game plan ang kaniyang tropa para sa FIBA Asia Cup Qualifiers second window na hahataw sa Nobyembre 21 at 24 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hindi gaya ng dati, minabuti ni Cone na huwag nang magkaroon ng public practice dahil nais nitong gamitin ang bawat minuto ng ensayo ng Gilas Pilipinas sa pukpukang ensayo.
Matinding laban ang haharapin ng Gilas Pilipinas partikular na ang pagsagupa nito sa New Zealand Tall Blacks sa Nobyembre 21.
“I don’t know if we’ll have the time to do something like we have in the past in Philsports in front of the fans because we only have five days of preparation this time,” ani Cone.
Maraming dapat ayusin ang Gilas Pilipinas lalo pa’t hindi makapaglalaro si AJ Edu at nanganganib din na hindi masilayan sa aksiyon si Kai Sotto.
- Latest