Aces puwersadong tapusin ang Beermen
Laro Ngayon (Smart Araneta Coliseum)
7 p.m. San Miguel vs Alaska (Game 6, Finals)
MANILA, Philippines – Mula sa 0-3 pagkakabaon ay nakalapit ang nagdedepensang San Miguel sa Alaska sa kanilang best-of-seven championship series.
Sinabi ni one-time MVP Arwind Santos na hindi na nila pakakawalan ang pagkakataong maitabla ang kanilang serye para makapuwersa ng Game Seven sa 2016 PBA Philippine Cup Finals.
“Ngayon nakadalawa na kami, kailangan na naming pangalagaan ito,” sabi ni Santos, humataw ng 22 points at 16 rebounds sa 86-73 overtime win ng Beermen kontra sa Aces sa Game Five noong nakaraang Miyerkules.
Pupuntiryahin ng San Miguel ang kanilang ikatlong sunod na panalo para makatabla sa Alaska sa Game Six ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sa naturang panalo ng San Miguel sa Game Five ay pinaglaro ni coach Leo Ausria si back-to-back MVP June Mar Fajardo 12 araw matapos magkaroon ng hyperextended left knee injury sa kanilang semifinals showdown ng Rain or Shine.
Tumapos ang 6-foot-10 na si Fajardo na may 13 points at 4 boards para sa ikalawang sunod na overtime win ng SMC franchise sa kanilang serye ng Alaska.
“Lumakas din ng konti kasi bumalik din si June Mar. Naglaro siya na hindi namin ine-expect kasi akala namin hindi na siya makakapaglaro this series. Nabuhayan ang bawat isa,” wika ni Santos sa Cebuano giant.
Sinabi ni Austria na pinilit siya ni Fajardo na ipasok sa laro bagama’t hindi pa siya 100 percent.
“He insisted he wanted to play win or lose. He wanted to be inside the court,” sabi ni Austria kay Fajardo, ang Best Player of the Conference awardee.
May tsansa silang makapuwersa ng Game Seven kung muling mananaig sa Game Six.
Nauna nang nagmula ang San Miguel sa 110-104 overtime win sa Game Four noong Linggo para makaiwas sa hangad na sweep sa kanila ng Alaska.
- Latest