Back-to-back sa Tropang Giga

MANILA, Philippines — Matapos mahawi ang usok ng giyera, tumayong kampeon ang mga Tropang Giga.
Pinabagsak ng TNT ang karibal na Barangay Ginebra via overtime, 87-83, sa Game Seven para angkinin ang Season 49 Commissioner’s Cup crown kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Isinara ng Tropang Giga sa 4-3 ang kanilang best-of-seven championship series ng Gin Kings para sikwatin ang pang-11 titulo sa harap ng 21,274 fans sa Big Dome.
Muling binanderahan ni import Rondae Hollis-Jefferson ang TNT sa ikatlong sunod na panalo sa Ginebra sa kanilang titular showdown matapos manaig sa 2023 at 2024 PBA Governor’s Cup Finals.
Nagtuwang sina Rey Nambatac, Glenn Khobuntin at Poy Erram sa pagbubukas ng overtime para ilayo ang Tropang Giga sa 85-79 bago nakalapit ang Gin Kings sa 83-85 sa huling 51.4 segundo mula kina Japeth Aguilar at Jamie Malonzo.
Minalas si Scottie Thompson sa kanyang triple sa posesyon ng Ginebra.
Ang isang broken play ng TNT ang nagresulta sa layup ni Calvin Oftana para lumayo sa 87-83 sa natitirang 6.3 segundo na sinundan ng kapos na 4-point attempt ni import Justin Brownlee para sa Ginebra.
Sinandigan ng Tropang Giga sina Hollis-Jefferson, Khobuntin at Oftana sa dulo ng fourth quarter para ilista ang 79-76 sa huling 21.2 segundo.
Itinabla ni Brownlee ang Gin Kings sa 79-79 mula sa kanyang tres sa natitirang 16.7 segundo.
Bigo si Hollis-Jefferson na maipasok ang kanyang jumper patungo sa extra period.
Inangkin ng TNT ang Game One (95-89), Game Three (87-85) at Game Six (87-83) habang wagi ang Ginebra sa Game Two (71-70), Game Four (95-78) at Game Five (73-66).
Binuksan ng Tropang Giga ang laro sa 6-0 patu-ngo sa pagtatayo ng isang 10-point lead, 22-12, matapos ang triple ni Nambatac sa huling 1:09 minuto ng first period.
Sa pagbibida nina Hollis-Jefferson at Nambatac ay muling napasakamay ng TNT ang 40-35 halftime lead laban sa Ginebra.
Umiskor si Hollis-Jefferson ng 14 points habang may 13 markers si Nambatac kasama ang dalawang tres para sa Tropang Giga.
- Latest