Sotto kasama sa FIBA Asia Cup
MANILA, Philippines — Makakasama ng Gilas Pilipinas si Kai Sotto sa 2025 FIBA Asia Cup na nakatakdang magsimula sa Agosto 5 sa Jeddah, Saudi Arabia.
Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Tim Cone, sasama si Sotto subalit hindi ito maglalaro.
Nasa recovery period pa ang 7-foot-3 Pinoy cager matapos sumailalim sa operasyon dahil sa tinamo nitong ACL injury.
Kaya naman, magsisilbing cheerleader muna ito ng Gilas Pilipinas na sasabak sa FIBA Asia Cup.
“Right now Kai is scheduled to go to Jeddah with us as cheerleader. He wants to support the team.. (But) he’s not ready to play,” ani Cone sa programang Power and Play.
Ibinahagi ni Cone na posibleng makasama na ng Gilas Pilipinas si Sotto sa Nobyembre — ang pinakamaagang maari itong makabalik sa aksiyon.
Sasalang ang Gilas Pilipinas sa 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa naturan buwan.
Ngunit ayaw ni Cone na madaliin ang pagbabalik ni Sotto.
Kailangan muna nitong makakuha ng clearance mula sa kaniyang mga doktor bago makapaglaro.
Sa Enero at Pebrero ang perpektong petsa para tuluyang makabalik sa paglalaro si Sotto.
- Latest