E-Painters pinabili lang ng suka; pumasok pa sa semis ng Philippines Cup
MANILA, Philippines — Ibinasura ng No. 7 Rain or Shine ang hawak na ‘twice-to-beat’ advantage ng No. 2 NLEX sa quarterfinals para umabante sa semifinals ng PBA Season 49 Philippine Cup.
Dinalawahan ng Elasto Painters ang Road Warriors, 92-89, at 103-92, para labanan ang TNT Tropang 5G sa best-of-seven semis series na magsisimula sa Miyerkules sa MOA Arena sa Pasay City.
Winalis din ng No. 6 Tropang 5G ang No. 3 Magnolia Hotshots, 89-88, at 80-79, papasok sa semis at buhayin ang tsansa para sa pambihirang PBA Grand Slam.
“Ang daming mas malaking mga kumpanya, mas maraming resources, pero kami, nakarating dito,” sabi ni Rain or Shine coach Yeng Guiao.
“Pinabili lang kami ng suka, nakarating kami dito. Pintura, kasama na. So gate crasher kami, nagpa-party sila, pinapasok nila kami sa gate. Eh di magpa-party na rin kami diba? Ganun lang ‘yun,” dagdag ng 66-anyos na seven-time champion coach.
Magtutuos naman sa isa pang semis series ang mag-utol na San Miguel at Barangay GInebra.
- Latest