Halfcourt shot ni Giddey nagsalba sa Bulls

CHICAGO - Si LeBron James naman at ang Los Angeles Lakers ang natakasan ng kanilang kalaban.
Ipinasok ni Josh Giddey ang isang halfcourt shot sa pagtunog ng final buzzer sa 119-117 pag-eskapo ng Bulls sa Lakers.
Kinumpleto ni Giddey ang triple-double na 25 points, 14 rebounds at 11 assists para sa Chicago (33-40) habang may 26 at 21 markers sina Coby White at Kevin Huerter, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Austin Reaves ang Los Angeles (44-29) sa kanyang 30 points at naglista si Luka Doncic ng 25 points, 10 rebounds at 7 assists.
Nagdagdag si Jaxson Hayes ng 19 points at tumipa si James ng 17 points para sa Lakers na inilusot niya sa pamamagitan ng isang tip-in kontra sa Indiana Pacers kamakalawa.
Ang dalawang free throws ni Reaves ang nagbigay sa Lakers ng 115-110 abante sa huling 12.6 segundo sa fourth quarter kasunod ang magkadikit na three-point shots nina Patrick Williams at White para sa 116-115 bentahe ng Bulls sa nalalabing anim na segundo.
Inagaw ng Los Angeles ang 117-116 kalamangan mula sa drive ni Reaves sa huling tatlong segundo na sinundan ng buzzer-beating halfcourt shot ni Giddey para sa Chicago.
Sa Oklahoma City, bumanat si Shai Gilgeous-Alexander ng 37 points sa 125-104 dominasyon ng Thunder (61-12) sa Memphis Grizzlies (44-29)
Sa Cleveland, humataw si Jarrett Allen ng season-high 29 points sa 124-116 pagtusok ng Cavaliers (59-14) sa San Antonio Spurs (31-41).
- Latest