Nakauna ang Tamaraws
Laro sa Sabado (Game 2) (Araneta Coliseum)
3:30 p.m. UST vs FEU
MANILA, Philippines – Sinuwag ng Far Eastern University ang University of Santo Tomas sa bisa ng pukpukang 75-64 panalo upang makalapit sa inaasam na kampeonato kahapon sa University Athletic Association of the Philippines Season 78 men’s basketball tournament finals sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagtulung-tulong sina Roger Pogoy, Mike Tolomia at Mac Belo upang dalhin ang Tamaraws sa 1-0 sa best-of-three championship series.
Tumapos si Pogoy tangan ang 15 puntos - lahat galing sa first half - habang nagsumite si Tolomia ng 14 puntos.
Nag-init din si Belo na may double-double na 13 puntos at 13 boards habang nagdagdag ng pinagsamang 22 puntos sina Russel Escoto at Prince Orizu.
“It’s because of our defense. We have consecutive lapses that gave them momentum at the start then we did things correctly nakakuha kami ng tiyempo. This team has been an underrated defensive team, these boys really worked hard sa depensa ang pag-uusapan and I think it showed today,” ani FEU head coach Nash Racela.
Nalusutan ng FEU ang 22 turnovers nito kung saan 18 puntos ang nakuha ng UST sa mga naturang pagkakamali.
Bumawi ang Tamaraws sa rebounding department matapos humatak ng 56 boards kumpara sa 32 lamang ng Growling Tigers. May 38 puntos ding nahugot ang Tamaraws mula sa bench players nito.
Tanging dalawang manlalaro lamang ng UST ang nagtala ng double digits kung saan nakakuha ang Growling Tigers ng 19 puntos mula kay Cameroonian Karim Abdul habang may 15 naman si Kevin Ferrer.
Hawak ng Tamaraws ang 14 puntos na kalamangan, 51-37, nang magpasabog ang Growling Tigers ng 14-6 run upang tapyasin sa anim na puntos ang bentahe ng FEU, 51-57, sa pagtatapos ng ikatlong kanto.
Nagbalik ang bangis ng Tamaraws sa fourth quarter matapos maglatag ng sariling 10-0 run para muling lumayo 71-62, may 1:19 na lamang ang nalalabi. Mula rito ay hindi na lumingon pa ang FEU para tuluyang angkinin ang panalo.
FEU 75 – Pogoy 15, Tolomia 14, Belo 13, Ru. Escoto 12, Orizu 10, Tamsi 5, Jose 4, Arong 2, Dennison 0, Escoto 0, Inigo 0.
UST 64 – Abdul 19, Ferrer 15, Vigil 8, Bonleon 6, Sheriff 6, Daquioag 4, Faundo 0,.
Quarterscores: 28-24; 47-34; 57-51; 75-64.
- Latest