Capadocia sinibak si Cabaral sa PCA Open
MANILA, Philippines – Binuksan ni Marian Jade Capadocia ang kanyang pagdedepensa matapos kunin ang 6-4, 6-2 panalo laban kay Angela Cabaral para umabante sa second round ng ladies’ singles ng 33rd Philippine Columbian Association (PCA) Open na inihahandog ng Cebuana Lhuillier at Metro Global Holdings kahapon sa PCA indoor courts sa Paco, Manila.
Sumabak ang 19-anyos na si Capadocia sa aksyon sa kabila ng pagkakaroon ng jetlag mula sa pinagmulang two-month training sa Amsterdam, Netherlands.
“Hindi ko maramdaman ‘yung palo ko. Pilit ‘yung mga shots ko at may konting gigil kaya marami akong unforced errors kanina,” sabi ng three-time titlist na si Capadocia.
Makakasagupa ni Capadocia sa second round si Rafaella Villanueva, tinalo si Ingrid Gonzales, 6-0, 6-2.
Hindi lang si Capadocia ang nagposte ng panalo kundi maging ang kanyang mga kapatid na sina Jella at Charito sa torneong suportado ng Dunlop, Fujidenzo/Whirlpool, Babolat, Hon. Emmanuel “Manny” Pacquiao, Head, Accel, Malate Bayview Mansion, Coca-Cola Bottlers Phils. Inc., Philippine Prudential Life Insurance Company Inc. at Seno Hardware.
Binigo ng 21-anyos na si Jella si Macy Gonzales, 7-6 (4), 6-3, at dinaig ni Charito si Janina Luis sa iskor na 6-3, 6-1.
Nagposte rin ng panalo ang magkapatid na Clarice at Christine Patrimonio, anak ni four-time PBA Most Valuable Player Alvin Patrimonio.
Giniba ng second seed na si Clarice si Anna Vienna Bienes, 6-0, 6-1, habang pinayuko ng No. 7 na si Christine si Chloe Mae Saraza, 6-2, 6-2.
Ang iba pang umabante sa second round ay sina No. 3 Edilyn Balanga, No. 4 Maika Tanpoco, No. 5 Hannah Espinosa at Princes Castillo sa event na suportado rin ng United Auctioneers Inc. Foton, Philippine Sports Commission, TLH Sports & Wellness Center/Solinco, Avida Land Corporation, Stronghold Insurance, Ryobi MHI, GMA 7 at TV 5.
Tinakasan ni Balanga si Rachelle De Guzman, 3-6, 6-3, 7-5; nagwagi si Tanpoco kay Erika Manduriao, 6-2, 6-2; pinabagsak ni Espinosa si Eren Penados, 6-0, 6-0; at dinaig ni Castillo si Jennelyn Magpayo, 6-2, 6-0.
- Latest