Azkals, Vietnam mabigat na kalaban sa Suzuki Cup
MANILA, Philippines – Ikinukunsidera ni Indonesian coach Alfred Riedl ang Philippine Azkals bilang matinding karibal kasama ang host Vietnam sa Group A ng Asean Football Federation (AFF) Suzuki Cup na nakatakda sa Nobyembre 22-28 sa Hanoi.
Pinaboran ni Riedl ang Vietnamese sa labanan para sa Top 2 sa kanilang bracket kasama ang Azkals at Indonesia, habang itinuturing namang darkhorse ang qualifier Laos.
“In my eyes, Vietnam are the favorites in the group because they have home advantage, and then I believe that either Indonesia or Philippines will make it through to the semis,” sabi ni Riedl sa AFF Suzuki Cup’s website.
Sinabi pa ni Riedl na nasusundan niya ang mga Azkals sa ilalim ni coach Thomas Dooley.
“The Philippines have a new coach (Thomas Dooley) and so many good players coming from abroad with very physical tactics that will make it difficult for us,” wika pa ng Austrian mentor.
Idinagdag pa niyang hindi rin dapat balewalain ang Laotians, ang runner-up sa qualifying tournament.
Nagtala ang Azkals ng 3-0 win laban sa Nepal sa kanilang friendly match sa Doha, Qatar noong Biyernes.
Nakatakda nilang labanan ang Thailand sa Nakhon Ratchasima sa Nov. 9 at ang host Camdodia sa Nov. 14 sa Rizal Memorial bilang paghahanda sa Suzuki Cup. (OL)
- Latest