Hibbert nagbida sa 9-dikit na panalo ng Indiana
INDIANAPOLIS--Tumapos ng 24 puntos si Roy Hibbert bukod sa 8 blocks, na parehong season-highs, para pangunahan ang Indiana Pacers sa 104-77 panalo sa Milwaukee noong Biyernes sa NBA.
Ang Pacers ang kauna-unahang koponan matapos ang Dallas Mavericks noong 2002-03 na nakapagtala ng 9-0 karta sa pagbubukas ng NBA season.
Hindi naman nagsolo si Hibbert dahil gumawa rin ng 22 puntos si Paul George, 10 sa ikatlong yugto, habang si Lance Stephenson ay may 11 pa.
Bumaba ang Bucks sa 2-6 na kulang ng apat na manlalaro dahil sa injuries at si O.J. Mayo ay may 20 puntos para pamunuan ang koponan.
Gumawa naman ng 39 puntos si LeBron James habang may 17 puntos, 8 assists at career-best 8 steals si Dwayne Wade tungo sa 110-104 tagumpay ng Miami Heat sa Dallas Mavericks.
Sinandalan naman ng Brooklyn Nets ang magandang laro ni Joe Johnson para lusutan ang Phoenix Suns, 100-98, sa overtime.
Sa iba pang resulta, nanalo ang Portland sa Boston, 109-96; ang Bobcats sa Cavaliers, 86-80; ang Grizzlies sa Los Angeles Lakers, 89-86; ang Denver sa Minnesota, 117-113; ang Detriot sa Sacramento, 97-90; ang San Antonio sa Utah, 91-82; at Atlanta sa Philadelphia, 113-103.
- Latest