Mabuti walang TB si Alice
NGAYON ko lang nalaman na kahit may commitment order na ang hukuman para ibilanggo ang isang nasasakdal, sasailalim muna ito sa medical exam. Kapag may nakahahawang sakit tulad ng TB ay hindi tatanggapin ng piitan.
Precautionary measure iyan para nga naman hindi kumalat ang sakit sa piitan. Sakit ng ulo ng namamahala sa bilangguan iyan kapag may outbreak sa kulungan.
Iyan ang nangyari sa pinatalsik na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo nang masilip sa ginawang medical exam ng Pasig City jail na mayroon siyang impeksiyon sa baga na posibleng tuberculosis (TB). Buti na lang hindi ito TB at hindi nakahahawa.
Kaya diretso sa kalaboso si Alice sa piling ng 43 pang bilanggong babae. Doon sila magsisiksikan. Mayaman si Alice at tiyak na mala-impiyernong sitwasyon ang kalalagyan niya kung nahirati siya sa silid na mabango, may malamig na aircon at malambot na higaan.
Noong una, nag-iisip ako na baka ito’y taktika sa pakikipagsabwatan sa mga jail officials para palabasin na may nakakahawang sakit si Alice. Sa gayun nga naman, makakaiwas siya sa matinding pagdurusa sa isang masikip na piitan. Salamat, hindi pala.
Ngunit kung sadyang TB ang sakit niya at hindi siya puwede sa city jail, saan ang bagsak ni Alice? Malamang sa PNP custodial center na nauna niyang pinanggalingan. Mas komportable naman diyan kumpara sa selda ng city jail.
Kahit mabibigat ang mga bubunuing asunto ni Alice, nakaaawa ang kanyang kalagayan. Ngunit may umiiral tayong batas at sistema ng katarungan na dapat masunod.
- Latest