De Lima vs Duterte: eksenang inabangan
Matindi pa sa telenovela ang sampung pagdinig ng House quad comm. May drama at katatawanan, trahedya at komedya, romansa at love triangle, aksiyon at abentura, pantasya at pananabik. Bata at matanda, ehekutibo at kasambahay ay tumutok sa livestream.
Isang paraan lang sana para matalbugan ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) ang quad comm sa pag-imbestiga ng extrajudicial killings sa drug war nu’ng 2016-2022. ‘Yon ay ku’ng direktang magharap sina dating senadora Leila De Lima at dating presidente Rody Duterte. Hangad ‘yan ni Ms. Rellzah Magsumbol, katambal ko sa Sapol-DWIZ.
Mahigit 36,000 ang pinatay noon na mga umano’y pusher at adik. Ganu’n karaming pamilya ang nagluksa. Marami ring ikinulong dahil umano’y drug lords. Pinakaprominente si De Lima.
Taon 2008 pa inimbestigahan ni De Lima ang EJKs sa Davao City. Commision on Human Rights chairwoman siya at mayor si Duterte. Nu’ng 2012, nang gawin siyang secretary of Justice, inimbestigahan muli ni De Lima ang Davao Death Squad.
Sa dalawang pagsisiyasat, walang lumitaw na testigo.
Bilang senador nu’ng 2016, inungkat ni De Lima ang EJKs na dumami sa ilalim ni Presidente Duterte. Lumitaw ang dalawang nagpatotoo sa patayan – sina Arturo Lascañas at Edgar Matobato.
Ang ganti ni Duterte ay pagkulong kay De Lima ng pitong taon sa imbentong paratang na drug conspiracy.
Nu’ng Oct. 28 dumalo sina Duterte at De Lima sa Senate BRC. Nilait ni Duterte si De Lima. Tiniis lang ito ni De Lima. Pinaliwanag ng huli ang kahalagahan ng katarungan ng mga pinatay na walang paratang at paglilitis.
Mahinahon si De Lima. Epekto malamang ‘yon ng pitong taong pagkabilanggo. Nagwala si Duterte, na ikukulong pa lang.
- Latest