Paglingap ng PhilHealth sa mga diabetics
Isa sa prime concern ng PhilHealth ang dumaraming Pinoy na may diabetes kaya pinalawak nito ang insurance coverage sa mga pasyenteng diabetiko. Saklaw dito ang prevention ng karamdaman at aktuwal na paggamot sa may karamdaman na. Para sa mga kasapi, reding-redi ang PhilHealth Konsulta Benefit Package at All Case Rate Packages.
Milyun-milyong katao na sa buong mundo ang may diabetes. Nakababalisa sa pasyente ang sakit na ito. Sa ating bansa, sinasabing may 4 million na ang diabetiko at maaaring aabot pa ito sa 7.5 million sa taong 2045. Nakatatakot dahil batid natin na ang sakit ay puwedeng maging sanhi ng pagkabulag, kidney failure o pagkaputol ng alin mang parte ng katawan. Sa PhilHealth Konsulta Package, sagot ng ahensya ang medical consultation, gamot na metformin at gliclazide, kasama ang laboratory tests tulad ng fasting blood sugar.
Layunin ng Konsulta package na bigyan ng malalim na pang-unawa ang mga pasyente hinggil sa sakit upang ito’y maiwasan o mapangalagaan ang sarili kung mayroon na nito. Simula Pebrero 1 ng taong ito, itinaas ng PhilHealth ng hanggang 30 percent ang All Case Rate packages nito kaya ang mga pasyenteng naka-confine na dahil sa diabetes ay makikinabang sa inpatient benefit hanggang P20,540. Bawat Pilipino ay magtatamasa ng benepisyo basta’t magparehistro lang bilang miyembro sa alinmang PhilHealth office. Ang rehistrasyon ay magagawa rin sa PhilHealth Member Portal sa PhilHealth website sa www.philhealth.gov.ph.
Paalala ng ahensya, maghulog ng inyong premium contributions upang ‘di maantala ang paggamit ng benepisyo. Seguruhin din na ibinawas ng ospital sa inyong billing ang mga bayaring sinagot ng PhilHealth. Sa kabilang banda, nagpalabas na ang PhilHealth ng karampatang polisiya sa pagpapatupad ng guidelines sa adjusted rates para sa severe dengue at COVID-19. Ito ay upang tiyakin ang de-kalidad na serbisyong mula sa accredited health facilities. Mula sa P10, 000 para sa Dengue Fever, (with or without warning signs) at mula P16,000 sa Severe Dengue, ang bagong case rate package ay P47,000.
Ang bagong case rate sa COVID-19 case package rates ay P51,000-P275,000 para sa Pediatric at P55,000-P590,000 sa mga matanda (Moderate COVID-19 with Pneumonia-Critical COVID-19). Tinitiyak ng PhilHealth na patuloy nitong pagbubutihin at palalawakin pa ang paghahatid ng benepisyong pangkalusugan sa mga Pilipino.
- Latest