Pasko sa Makati: Tulong, saya at liwanag sa lahat!
Gusto kong ibahagi ang ilan sa mga mahalagang kaganapan dito sa ating lungsod. Sa patuloy nating malasakit sa mga nangangailangan, naglaan tayo ng P51 milyon na tulong pinansyal para sa mga LGUs na sinalanta ng bagyo, habagat, at pagsabog ng bulkan ngayong taon. Ang pondong ito ay naipamahagi sa 83 LGUs sa iba’t ibang bahagi ng bansa, depende sa lawak ng pinsalang natamo. Ang bawat bayan o lungsod ay tumanggap ng tulong mula P250,000 hanggang P1 milyon. Para sa mga naapektuhan ng Bagyong Kristine, inilaan natin ang P21.75 milyon sa 34 LGUs, kabilang ang Albay, Camarines Sur, at Camarines Norte.
Hindi lang pinansyal na tulong ang ating naibigay—nagpadala rin tayo ng search and rescue teams at relief supplies sa mga apektadong lugar. Sa pamamagitan ng Makati Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), lagi nating sinisigurong handa ang Makati hindi lamang para sa ating mga kababayan kundi pati na rin sa iba pang nangangailangan. Nais kong ipaabot sa mga apektadong komunidad na kasama ninyo ang Makati sa pagbangon. Bukas ang aming pinto para magbahagi ng resources at expertise upang sama-samang makabawi. Laging tandaan na sa panahon ng sakuna, ang pagkakaisa at bayanihan ang ating lakas.
Noong Nobyembre 4, sinimulan natin ang maagang pamamahagi ng Pamaskong Handog Gift Bags sa ating senior citizens! Kasama ko sina Cong. Luis Campos, Vice Mayor Monique Lagdameo, Cong. Kid Peña, at mga konsehal sa Barangay San Isidro para iparamdam ang maagang saya ng Pasko. Mas pinaaga natin ito ngayong taon, at mas better din ang laman ng mga gift bag para mas maraming pamilya ang makaranas ng mas masayang Pasko.
At noong Nobyembre 7, sinimulan naman natin ang opisyal na pagdiriwang ng Paskong Makati sa pamamagitan ng ceremonial lighting ng iconic Christmas parols sa Ayala Avenue. Nagbigay din ng kasiyahan ang sabay-sabay na pag-iilaw ng mga parol sa Circuit Makati, Jaime Velasquez Park, at Legazpi Active Park. Ang taunang tradisyong ito ay hudyat ng pagsisimula ng masayang Pasko sa Makati! Damang-dama na natin ang diwa ng Pasko sa ating lungsod.
- Latest