^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Hindi mahihirap na students ang nakinabang

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL � Hindi mahihirap na students ang nakinabang

KAPANSIN-PANSIN sa mga kalsada sa Metro Manila ang mga namamalimos na lalaki at babaing “estud­yante”. Naka-uniporme sila at may ipinakikitang cardboard na may nakasulat: KAUNTING TULONG PO SA AMING PAG-AARAL. HUMIHINGI PO KAMI NG PANG-UNAWA.

Tuwing tanghali na mainit ang araw makikita ang mga “estudyante” na bawat sasakyan ay kanilang nilalapitan kapag naka-stop sa traffic light. Maaaring kaya ganung oras sila nagpapalimos ay dahil tapos na ang kanilang klase o papasok pa lamang. Maaring namama­limos sila ng babaunin sa pagpasok. Mayroon namang nagbibigay na motorista at meron ding hindi. Bakas naman sa mukha ng “estudyante” ang pagkabigo kapag hindi nalimusan.

Ang senaryong ito ay tamang-tama naman nang ibulgar ni Senator Win Gatchalian na mahigit P7 bilyon ang ginastos ng pamahalaan para sa mga beneficiaries ng senior high school voucher program (SHS-VP) na hindi naman pala mahihirap o may kakayahang mag-aral kahit hindi tulungan.

Ayon sa pagsusuri ni Gatchalian, noong school year 2021-2022, P7.21 bilyon o 53% ng P13.69 bilyong pondong nakalaan sa SHS-VP ang napunta sa mga hindi mahihirap na estudyante. Noong school year 2019-2020, P7.30 bilyon ang napunta sa mga hindi mahihirap na estudyante.

Ang pagkakadiskubre ay inihayag ni Gatchalian sa pagdinig ng Senado hinggil sa pagpapatupad ng Republic Act No. 8545 (Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act). Ayon kay Gatchalian, nasayang ang pondo. Dapat daw itong itama at suriing mabuti sa budget hearing. Ayon pa sa senador, dapat tiyakin na napupunta ang bawat sentimo sa mga nangangailangang mag-aaral. Batay daw sa datos na kanyang nakita, hindi maayos ang pagpapatakbo ng programa.

Nararapat na bulatlatin pa ang nadiskubreng ito ni Gatchalian. Hindi biro ang pera ng taumbayan na nawaldas at ang nakinabang ay mga estudyante na hindi naman pala mahihirap. Napakalaking pandaraya ito at dapat managot ang nasa likod nito. Maaring noon pa nangyayari ang anomalyang ito at ngayon lamang nahalungkat. Hindi dapat makahulagpos sa batas ang mga pasimuno sa hindi magandang gawain na ito.

Habang marami ang nagpapalimos na estudyante, marami naman palang may kakayahang mag-aral ang nakikinabang sa pondo na laan para sa mga nagdarahop na estudyante. Maraming matatalinong estudyante ang gustong mag-aral subalit kapos sila sa pananalapi. Kaya ang iba ay nagpapalimos para maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Halungkatin pa ang anomalyang ito.

vuukle comment

STUDENT

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with