Sprain at fractures sa mga paa
Nangyayari ang sprain kapag ang litid na nagkokonekta sa isang buto sa kasu-kasuan ay nabanat o napunit. Ang karaniwang naapektuhan nito ay ang sakong.
Mga dapat gawin kung nagkaroon ng sprain:
1. Ipahinga ang napilay na parte ng dalawang araw.
2. Lagyan ng cold compress o yelo.
3. Kung nakahiga, itaas ang bahaging paa para hindi masyadong mamaga.
Fractures o bali sa paa—Ang stress fracture sa paa ay gaya ng hairline crack sa buto. Kadalasan ito ay dahil sa paulit-ulit na paggamit ng pwersa, tulad ng paulit-ulit na pag-talon pataas at pababa o ang pagtakbo na ginagamitan nang malakas na impact gaya ng basketball o track and field.
Mga dapat gawin:
1. Hayaan munang gumaling ang fracture na hindi bababa sa 1 buwan.
2. Gumamit ng tungkod base kung saan ang apektadong bahagi.
3. Iwasan muna ang mga gawain na ginagamitan ng malakas na impact sa loob ng 6 na linggo hanggang mga ilang buwan, base sa lokasyon ng apektadong bahagi at payo ng iyong doktor.
Achilles tendinitis—Ito ay ang pamamaga sa Achilles tendon, na kumukonekta sa masel ng binti at buto sa sakong. Ang sakit ay kadalasang nakukuha sa pagtakbo at sobrang paggamit o ehersisyo. Nagkakaroon ng pamamaga ang Achilles tendon kaya makararamdam ng matinding kirot lalo na kung tumatakbo o tumatalon.
Mga dapat gawin:
1. Magsuot ng sapatos na malambot ang suwelas sa tuwing tatakbo. Iwasan ang pag-akyat at baba sa matataas na lugar.
2. Iwasan ang mabigat na impact sa iyong sakong sa loob ng ilang araw.
3. I-stretch araw-araw ang kalamnan o masel ng binti.
Bunion sa hinlalaki—Ang bunion ay isang abnormal, na matigas na bukol na nabubuo sa ibaba ng hinlalaki ng paa. Lumaki ang joint ng hinlalaki na nakausli sa tabi, kaya pinipilit itulak at magdikit-dikit ang ibang daliri ng paa. Parang nakabukol palabas ang gilid ng iyong paa kaya mahirap magsuot ng sapatos.
Ang maling sukat ng sapatos na isinusuot o ang namamanang depektong porma ay kadalasang dahilan ng ganitong kondisyon. Ang bunion ay nagiging napakasakit kung magsusuot ng masikip na sapatos at magkakaroon ng kalyo.
Mga dapat gawin:
1. Magsuot ng sapatos na mayroong maluwag na entrada at gawa sa soft leather.
2.Bumili ng sapatos na i-stretch o luwagan sa bahagi na may bunion.
3.Magsuot ng sandals o magagaan na sapatos tuwing tag-init.
4.Kung malaki ang depekto ng paa, kinakailangan ng sapatos na sadyang ginawa para rito.
- Latest