Mga posibleng dahilan kung bakit sumasakit ang tiyan
Para malaman ang mga posibleng dahilan ng pananakit ng tiyan, heto ang mga itatanong sa pasyente. Una, saang parte ng tiyan ang masakit? Pangalawa, ano pa ang iba mong nararamdaman?
Alamin natin ang mga posibleng sanhi ng sakit ng tiyan:
1. Ulcer o hyperacidity – Kapag ang pananakit ay nasa itaas ng tiyan at nasa gitna o bandang kaliwa, ito ang lugar ng sikmura. Posibleng ulcer o hyperacidity ang iyong sakit. Ang sakit na ito ay kadalasang nararamdaman kapag ika’y gutom. Nababawasan ang sakit kapag kumain ka ng saging o tinapay. Uminom din ng maraming tubig para mahugasan ang asido sa tiyan.
2. Gallbladder stones – Kapag ang sakit ay nasa itaas ng tiyan at nasa kanan, ito ang puwesto ng gallbladder o apdo. Posibleng may bato ka sa apdo. Minsan ang sakit ay tumutugon sa bandang likod. Dumarating din ang sakit kapag nakakain ka ng mamantika at matatabang pagkain. Magpa-ultrasound ng tiyan para malaman kung may bato sa apdo o wala.
3. Appendicitis – Kapag nasa ibaba at kanan ang sakit, ito ang lugar ng appendix. Ang sakit na appendicitis ay nag-uumpisa sa may sikmura at pagkaraan ng 2-3 araw ay lumilipat sa kanang bahagi. Masakit ang lugar na ito kapag dinidiinan. Kumonsulta agad sa iyong doktor.
4. Colic – Kapag paikut-ikot ang sakit at walang permanenteng lugar, ito ay marahil sa paghilab ng bituka. Ang tawag dito ay colic at hindi naman delikado. Maaaring nakakain ka ng maduming pagkain at magtatae ka lang.
5. Gastroenteritis -- Kung mahilab ang iyong tiyan at nagtatae ka, ito ay malamang dahil sa gastroenteritis o impeksyon na nakuha sa panis o maduming pagkain. Uminom ng maraming likido (tubig, sopas o lugaw) at kumain ng saging.
6. Amebiasis – Kapag madalas kang dumumi at may bahid ito ng sipon at dugo, posibleng amebiasis ito. Magpasuri ng dumi (fecalysis) sa laboratory.
7. Kidney infection o stones – Kapag nasa may puson ang sumasakit at mahapdi ang iyong pag-ihi, posibleng may impeksyon ka sa ihi o may bato sa bato (kidney stones). Magpa-check ng urinalysis para malaman ang sakit.
8. Sakit sa matris o obaryo – Kapag ika’y babae at sa may puson ang sumasakit, posibleng nasa obaryo at matris ang iyong problema. Puwede itong dysmennorhea (sakit kapag malapit na ang regla), ovarian cyst (bukol sa obaryo) o myoma.
Tandaan: Huwag matakot kumunsulta sa doktor para malaman ang dahilan ng pananakit ng tiyan. Malulunasan natin iyan.
- Latest