Kasangga sa pangangalaga sa puso
Bilang pagdiriwang sa ika-70 anibersaryo ng Philippine Heart Association-Philippine College of Cardiology (PHA-PCC), ipinagkaloob sa aming 21 miyembro ng media ang karangalan na mabigyan ng Platinum Heart Media Award 2022. Ang parangal na ito ay ang pagkilala ng asosasyon sa naiambag ng media sa pagtataguyod ng kanilang Heart Healthy Lifestyle Advocacy.
Tatlong taon ding hindi nagkaroon ng taunang media awards ang PHA-PCC dahil sa pandemya, kaya’t napakasayang makitang muli sa isang pagtitipon ang lahat ng aming kabalikat sa adbokasiyang ito. Mahalaga sa akin ang parangal na ito dahil sa loob ng napakahabang taon, naging kaagapay ko ang PHA sa paghahatid ng serbisyo publiko. Simula noong nag-uumpisa pa lamang ako bilang reporter na nagko-cover sa health beat, hanggang sa aking pagiging anchor sa Salamat Dok ng ABS-CBN, Healthy Sabado ng DZMM, Kapamilya Konek ng Teleradyo, at ngayon, sa pagiging producer at host ng aking sariling programang “Pamilya Talk,” ang PHA ang naging kasangga ko sa paghahatid ng mahahalagang impormasyong pangkalusugan sa publiko.
Bukas-palad na nagbigay ng kanilang oras at talento ang mga doktor ng PHA sa aming mga pasyente sa Bantay Bata 163 at sa Salamat Dok. Niligtas nila ang buhay ng mahihirap nating mga kababayan, at buong-puso nilang binigay ang kanilang serbisyo nang walang kapalit.
Kahit na sa aming mga personal na problema ng aking mga kasamahan sa media, ang mga doktor ng PHA ay laging nariyan. Naalala ko nung na-stroke si Daddy noong kasama niya ang kanyang College friends sa isang resort sa Bataan, habang nasa ambulansya ay tinawagan ako ng mga kaibigan niya at sinabing may doktor na naghihintay na sa kanila sa isang ospital sa Bataan. Nang marinig ko ang pangalan ng doktor, si Dr. Orly Bugarin, agad akong napanatag. Alam kong nasa mabuting kamay si Daddy dahil isa si Dr. Bugarin sa mga pinakamahusay na cardiologists sa Pilipinas. Ilang beses na rin namin siyang nakapanayam ng aking mga kasamahan sa media, lalo na tungkol sa kanyang adbokasiya na pagtuturo ng cardiopulmonary resuscitation (CPR).
Sa ngalan ng aking co-awardees, nais ko ring pasalamatan ang PHA sa pagkilala nila sa pagsisikap ng media. Sa kanyang talumpati, nabanggit ni Dr. Gilbert Vilela, immediate past president ng PHA, ang kahalagahan ng pagsasaliksik at mahusay na pag-uulat —isang bagay na sinisikap naming ihatid ng aking mga kasamahan. Binanggit ni Dr. Vilela ang pagkakaiba ng pananaw at katotohanan. Paliwanag niya, ang huli ay batay sa masusing pananaliksik.
Sabi naman ng dating pangulo rin ng PHA na si Dr. Bugarin, dahil sa walang-sawang pakikipagtulungan ng media ay patuloy na lumalaganap ang sa kampanya sa cardiovascular health. Nakatutuwang malaman na sa nakalipas na dalawang taon, nakakuha ang PHA- PCC ng media value na P1.4 bilyon, na pinakamataas sa kasaysayan ng PHA.
Binigyang-diin din ni Dr. Luigi Segundo, Direktor IlI ng PHA, ang mahalagang papel na ginagampanan ng media sa PHA at sa buhay ng mga Pilipino. Naging malaking dagok sa ating lahat ang pandemyang ito. Nakalulungkot isiping maraming magagaling na doktor, nars at medical practitioners ang kinailangang magbuwis-buhay upang maisalba ang marami nating kababayan. Kaya nais kong kunin ang pagkakataong ito upang pasalamatan silang lahat dahil nanatili silang matatag sa pagbibigay ng pangangalagang medikal sa kanilang mga pasyente.
Makaaasa kayong patuloy akong magiging kakampi ninyo sa pagbibigay ng serbisyo-publiko at inyong boses na tagapaghatid ng balita at impormasyon sa mga darating pang taon.
Congratulations din sa iba pang awardees:
Indibidwal na Kategorya
1. Jasmin Romero, ABS- CBN News
2. Jing Castaneda, ABS- CBN News
3. Leah Salterio, ABS- CBN News Lifestyle, Philippine Star Showbiz & Manila Times
4. Dr. Luisa Ticzon Puyat, DZMM Teleradyo Daily Dos
5. Connie Sison, Pinoy MD, DZBB
6. Annabelle Surara, Radyo Agila
7. Marou Sarne, DWIZ Radyo Klinika/Abante
8. Edd Usman, SciTech at Digital News
9. Mhet Sanding Miñon, SMNI
10. Leony Garcia, Business Mirror
Espesyal na Gantimpala
11. Niña, Stella, Emily & Luke Corpuz-Rodriguez
Kategorya ng Media Entity
1. ABS- CBN News/ ABS- CBN Corp.
2. DZRH Operation Tulong
3. DZMM Teleradyo
4. MedTalk CNN PH
5. GMA News Online
6. Manila Standard
7. NET 25
8. Ulat Bayan, PTV News
9. Tutok 13 IBC 13
10. The Daily Tribune
--
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected].
- Latest