E kung ibalik ang OPSF?
Ayaw na nating magbalik pa ang panahon ng diktadurya. #never again! Pero hindi ba posibleng pumulot tayo ng mabubuting programa noon na puwedeng pakinabangan ngayon?
Sa harap ng walang tigil na pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo ngayon, bakit hindi buhayin ang Oil Price Stabilization Fund (OPSF)?
Ang OPSF ay pondong isinusubi ng pamahalaan bilang subsidy para mapanatiling mababa ang halaga ng petroleum products kahit pa tumaas ang presyo ng inaangkat na crude oil sa world market.
Ang OPSF ay isang nakalaang pondo ng national government na nag-aabono sa tuwing tataas ang halaga ng inaangkat na krudo. Wala tayong kontrol kapag idinikta ng oil producers na magtataas sila ng presyo. Pero hindi naman tayo mawawalan ng paraan para maibsan kahit bahagya man lang ang epekto nito.
Saan nagmumula ang pondong ito? Tuwing mababa ang presyo ng krudo, kumakaltas ng buwis ang pamahalaan at ipinapasok sa OPSF upang sa sandaling tumaas ang presyo ng krudo, mayroong pondong nakalaan ang pamahalaan para manatiling mababa ang presyo ng gasoline at diesel.
Sa ngayon, may excise tax na sinisingil ang pamahalaan sa petrolyo na tayong mga consumer ang sumasagot. Saan napupunta ang perang ito? Puwede marahil ilaan iyan sa OPSF kung ipasya ng pamahalaan na buhayin ito.
Sensitibo palagi ang pagtaas sa halaga ng petrolyo dahil apektado ang lahat ng bilihin o kalakal na nangangailangan din ng transportasyon. Apektado rin lagi ang mga manggagawa kung tataasan ng transport sector ang pamasahe.
- Latest