Binoboto kung sino’ng sikat, imbis masikap
MATATAMIS ang salita ng mga dating senador na nais bumalik sa puwesto. Kesyo raw alam na alam nila kung ano ang mga suliranin ng bansa, at kung ano ang nararapat na solusyon. Labis daw silang naaawa sa mga Pilipino: mga maralitang isang kahig-isang tuka, walang bubong sa ulan at araw, nakikipagsapalaran sa ibang bansa, nagtitinda sa palengke mula madaling-araw hanggang dapit-hapon, nangingisda sa laot, nagsasaka habambuhay, musmos pa’y nagbabanat na ng buto, matatanda na’y hindi pa makapagretiro, may sakit at kapansanan pero walang masilungan, at kung anu-ano pang pagroromantiko sa Pilipino.
At marami sa atin ay utung-uto sa kanilang mga patalastas at posters. Naaantig ang puso. Naaawa sa sarili. Naeengganyo sa kanila.
Pero ito ang simpleng tanong. Kung totoong alam nila ang problema at solusyon, kung totoong ang puso nila ay para sa atin, ano ba talaga ang nagawa nila nu’ng 12 taon (2 termino) sa Senado?
Kung wala tayong naaalala kundi ang pangalan lang nila, ibig sabihin wala silang nagawa. Kasi kung meron silang nagawa, e ‘di dapat nakatanim ‘yon sa ating isip imbis na pangalan lang nila. Kung pangalan lang nila ang naaalala natin, ibig sabihin ay mahusay lang silang “umepal”, magpaskel ng pangalan kung saan-saan, at magpabalita sa radyo-TV.
Huwag silang iboto. Makipagsapalaran na lang tayo sa bago at bata.
May kataga sa Ingles, “the devil we know” o ang demonyong kilala na natin. Ugali umano ng tao na, kapag pinapili sa 2 masamang indibidwal, ang pinapanigan ay ang kilala at nakasanayan na. Ipinapalusot pa sa sarili na ang hinirang ay “lesser evil” o mas konting kasalanan. ‘Yan ang dahilan kaya napapahamak tayo.
Magbago na tayo ng ugali. Huwag bumoto dahil natatandaan lang ang pangalan. Suriin ang pagkatao at track record o nagawa na.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest