EDITORYAL - Mapayapa ang Traslacion pero sandamukal ang basura
NAGING mapayapa at matagumpay ang Traslacion noong Miyerkules sapagkat walang namatay at wala ring gaanong nasaktan. Sa mga nakaraang taon na isinagawa ang Traslacion, may mga namatay at marami ang nasugatan. Halimbawa ay noong Traslacion 2004 na dalawa ang namatay. Dalawa rin ang namatay noong Traslacion 2008 at noong 2010 na dalawa rin ang namatay. Nga-yong Traslacion 2019 ang sinasabing mapayapa at pinakamabilis na Traslacion sa kasaysayan.
Pinupuri ang Philippine National Police (PNP) dahil sa maayos na pag-secure sa Traslacion. Malaking puntos sa PNP ang pagpapanatili ng kaayusan sa 22-oras na Traslacion na inabot ng alas dos ng madaling araw. Halos lahat ng pulis sa National Capital Region ay dinala sa bisinidad ng Quiapo at sa lahat ng mga dinaanan ng Traslacion mula Quirino Grandstand hanggang sa maibalik sa simbahan ang Mahal na Poong Nazareno.
Ang tanging hindi kapuri-puri ay ang iniwang basura ng mga deboto sa Quirino Grandstand at sa lahat ng ruta ng dinaanan ng Traslacion. Sandamukal na basura ang iniwan ng milyong deboto ng Nazareno na nang makolekta ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ay umabot sa 80 trak. Kung gaano karami ang deboto, ganundin karami ang iniwan nilang basura na para bang wala silang ginawa kundi magtapon lamang nang magtapon habang ipinupru-sisyon ang Poon.
Taun-taon sa pista ng Nazareno, lagi nang ipinaaalala sa mga deboto na huwag iiwan ang kanilang basura. Itapon nang maayos ang basura sapagkat may mga basurahan naman sa paligid. Kung walang makitang basurahan, magdala ng sariling plastic bag na lalagyan ng basura at iuwi sa bahay. Wala pa ring disiplina ang mga sumama sa Traslacion. Kahit na ilang ulit nang pinapaalala na huwag magtapon ng basura, ginagawa pa rin at marahil sa susunod pang mga Traslacion, ganito pa rin ang kanilang gagawin.
Sana, magkaroon naman ng Traslacion na walang maiiwang basura ang mga deboto. Kung gaano sana kawagas ang pananampalataya sa Poon, ganun din sana kadisiplina sa pagtatapon ng basura.
- Latest