Pera: Puwedeng magdulot ng sakit
LAHAT nang tao ay kailangan ng pera para mabuhay. Pero alam ba ninyo na posible itong maging dahilan ng pagkakasakit?
Ayon sa mga eksperto, maraming mikrobyo ang matatagpuan sa pera. Kahit ang mga barya ay puwede ring malagyan ng mikrobyo.
May isang pag-aaral na nag-eksamen ng mga papel na pera. Natagpuan nila na 87 percent o halos lahat nang perang papel ay may mikrobyo. Kapag mas luma ang pera, mas marami itong mikrobyo.
Ang mga mikrobyong nakita ay ang staphylococcus aureus na nagdudulot ng pigsa. Mayroon ding E. coli mula sa dumi ng tao na nagdudulot ng pagtatae, typhoid fever at impeksyon sa ihi. May nakita ring pseudomonas infection na puwedeng magdulot ng pulmonya at kumalat sa dugo at makamatay.
Heto ang aking payo:
1. Kapag marumi na ang pera, ibilad ito sa araw. Pahanginan ito at huwag munang ilagay sa pitaka.
2. Maghugas ng kamay kapag humawak ng pera. Puwede ring mag-alcohol ng kamay.
3. Pahalagahan ang pera. Huwag lagyan ng sulat, punitin o tupiin nang maraming beses.
4. Kapag nasa palengke o marumi ang kamay, mag-punas muna ng kamay bago humawak ng pera.
5. Para sa mga taong may karamdaman tulad ng sakit ng kidney, diabetes o may edad, posible silang magkasakit dahil sa maruming pera. Mag-ingat sa paghawak nito.
- Latest