Pagkalat ng droga sa Western Visayas
KAHAPON nagsimula ang kampanya ng mga local candidates na tatagal hanggang Mayo 10. Dito sa Capiz, mahigpit ang monitoring ng Comelec at Philippine National Police upang mapanatili ang kaayusan ng kampanyahan.
Kapansin-pansin naman dito na maraming illegal posters ng kandidato ang naglalakihan. Lampas sa itinakdang sukat ng Comelec. Wala kasing nagrereklamong pulitiko sa Comelec.
Sa tingin ko, mahigpit ang labanan ngayon ng mga pulitiko dahil muling magbabanggaan ang mga dating pulitiko. Bawat isa ay gustong makabalik sa dating trono. Kaya hindi dapat magwalambahala si PRO-6 Director Brig. Gen. Jack Wanky at baka sumiklab ang kaguluhan ng mga magkalabang pulitiko.
Bukod diyan, naghahasik din ng kaguluhan ang New Peoples Army (NPA). May nagaganap na enkuwentro ang mga sundalo at NPA sa Capiz, Antique, Aklan at Guimaras.
Pero ang dapat bigyang pansin ng PNP ay ang pagkalat ng droga sa Western Visayas. Noong nakaraang linggo, nakakumpiska ng shabu na nagkakahalaga ng P816-milyon ang Philippine Drugs Enforcement Agency sa Calapan Port sa Oriental Mindoro. Galing Batangas ang shabu at ikakalat sa Iloilo. Kung nakalusot ang shabu, maraming buhay ang sisirain.
Napag-alaman ko na nagsisimula na namang magpakalat ng droga ang dating drug lord ng Western Visayas. Ang Western Visayas batay sa inpormasyon ay pinamumugaran ng drug lords. Maraming pulis dito ang tinataguriang narco cops.
Ngayong papalapit na ang election, dapat paigtingin ng PNP ang paggalugad sa mga lungga ng drug pushers at users.
- Latest