EDITORYAL - Kailangang makita ang pulis sa kalsada
HANGGANG ngayon, bihira pa ring makakita ng mga pulis na nagpapatrulya sa mga lansa-ngan lalo na sa dis-oras ng gabi. Mangilan-ngilan lamang ang makikitang patrol car na yumayaot sa mga matataong lugar. Mangilan-ngilan din ang mga pulis na naglalagay ng checkpoint at inilalagay pa nila ito sa lugar na maaaring makaiwas ang mga masasamang loob. Walang pulis na makikita sa paligid o sa paanan ng footbridge na karaniwang tinatambayan ng mga holdaper o snatcher at nag-aabang nang mabibiktima.
Noong Hulyo 16, 2015, nagtalumpati ang kata-talagang si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ricardo Marquez at napakaganda ng kanyang sinabi. Sa lahat nang mga naging PNP chief siya lamang ang nag-deliber ng ganito kagandang talumpati. Sabi niya:
“Ang pangunahing isyu na dapat harapin ng kapulisan ay crime prevention o paghadlang sa krimen. While we have developed the methodology to deliberately reduce crime, as evidenced by the decreasing trend in crime statistics in certain areas, the reality is that the fear of crime remains in the hearts of our citizens especially our mothers.
Naroroon pa rin ang takot at agam-agam ng mga magulang tuwing umaalis ng bahay ang kanilang mga mahal sa buhay. Ito ang nais nating baguhin. Gusto nating masiguro na bawa’t anak, kapatid, o kasambahay ay ligtas sa kapahamakan at makakabalik na ng maayos sa kani-kanilang tahanan.
We have tried several crime prevention measures in the past without much success. I believe it is high time to go back to the basics of policing and institutionalize the implementation of patrolling nationwide.
Ako’y naniniwala na ang pagpapatrulya ng kapulisan sa mga komunidad ay nagdudulot ng maraming benepisyo.”
Ang ganda!
Subalit, dalawang buwan na si Marquez bilang PNP chief bihira pa rin ang mga pulis na nagpapatrulya. Hindi pa rin sapat ang mga pulis lalo sa gabi na kailangan ng mamamayan. Ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan, maaasahan na kaya ang magandang pangako ng PNP chief? Maipagtatanggol kaya ang mamamayan laban sa mga kriminal?
- Latest