Rabies
MARAMI sa atin ang mahilig sa aso at pusa. Ako mismo ay may mga alagang aso na nagbibigay kasiyahan sa aming tahanan. Ngunit sa kabila ng kasiyahan at pagmamahal na maibibigay ng mga alagang hayop, may peligrong dala pa rin ang mga ito. Ayon sa DOH, mga 300 tao ang namamatay taun-taon dahil sa rabies mula sa mga kagat ng aso at pusa. Hindi maliit na numero iyan. Tulad ng tao, kailangan ng mga hayop ng bakuna laban sa rabies. Kaya bahagi ng pagiging responsableng pet owner ay mapabakunahan ang kanilang mga alaga, para hindi magkaroon ng rabies, kung sakaling mangagat. Kahit ang pinakamaamong aso o pusa ay may oras na nangangagat na walang dahilan. Madalas habang nakikipaglaro pa nga.
Malaking responsibilidad ang pagkakaroon ng alagang hayop. May mga pangunahing pangangailangan din ang mga ito tulad ng pagkain, inumin, masisilungan at pati na rin ang kalusugan, kasama ang bakuna. Kaya ang payo nga ay pag-isipang mabuti kung talagang kakayaning mag-alaga ng aso o pusa, dahil may kasamang gastos at responsibilidad ito. Kung 300 tao ang namamatay dahil sa rabies taon-taon, hindi ito isyu na dapat isantabi lamang. May programa ang mga health center ng bawat lokal na pamahalaan na magbigay ng libreng bakuna laban sa rabies. Kung libre naman, bakit hindi pabakunahan ang mga alaga? Ang nais ng DOH ay mawala na nang tuluyan ang panganib ng rabies sa Pilipinas sa mga darating na taon. Pero dahil wala naman tayong ahensiya na nanghuhuli ng mga ligaw na aso at pusa sa lansangan tulad sa ibang bansa, mahirap makamit ang tagumpay na iyan.
Kung sakaling makagat naman, hugasan ng malinis na tubig at sabunin nang husto ang sugat. Kumunsulta agad sa doctor. Huwag nang hintayin ang nakasanayang paniniwala na kapag bumula ang bibig ng aso o pusa, may rabies at saka pa lang magpapatingin sa doktor.
- Latest