Sa basurahan din na-swak?
May kasabihan ang mga Kano, “there are many ways to skin a cat.” Kung tatagalugin “para-paraan lang iyan.” Para huwag masabing hindi umaksyon ang Senado sa impeachment complaint na iniharap ng House of Representatives laban kay VP Sara, nanumpa “kuno” ang mga Senador bilang mga hukom na didinig at lilitis sa kaso.
Akala ko tuluy-tuloy na, hindi pala! Maakusahan kasi ng pagsuway sa Konstitusyon ang Senado kapag walang ginawang aksyon sa kaso ng impeachment. Naunang nanumpa si Senate President Chiz Escudero bilang presiding judge ng impeachment court na sinundan ng iba pang mga Senador. Drama lang pala!
Ngunit marami pa rin ang mga pro-Duterte Senators na dinaig ang bilang ng mga pro-impeachment. Muntik pa nga’ng magkasuntukan sa palitan ng mga mapanlait na salita. Hanggang sa humantong ang mainitang debate hinggil sa kung ibabalik ba sa House of Representatives ang impeachment complaint na salita dakong huli’y napagkasunduan. Ibinalik sa Mababang Kapulungan ang impeachment complaint. Nagwagi ang mga die-hard Duterte senators sa pangunguna nina Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at Robin Padilla. Ano bang kadramahan iyan? At least nga naman, umaksyon ang Senado at sumunod sa tadhanain ng Konstitusyon. Hanep!
Ewan kung may matino pang kahihinatnan ang kasong ito pero nag-iiwan ito ng katanungan. Functional pa ba ang umiiral na sistema sa pamahalaan? Ang mga magigiting nating mambabatas ay loyal sa bansa at sa Konstitusyon o nakapako ang katapatan sa mga personalidad na pinapanginoon nila?
- Latest