Ex-mayor Oreta sinampahan ng korapsyon

P22.4 milyong e-trike nawawala!
MANILA, Philippines — Sinampahan sa Office of the Ombudsman ng kasong katiwalian at pag-abuso sa kapangyarihan si dating Malabon mayor Antolin Oreta III kaugnay nang umano’y nawawalang 42 unit ng E-trike na hindi umano naipamahagi sa mga benepisyaryo nito na umaabot sa halagang P22.4 milyon na bigay ng Department of Energy (DOE) sa lungsod noong 2019.
Sa reklamo sa Ombudsman ng tricycle driver na si Romeo R. Dimaunahan ng Barangay Longos, Dagat-dagatan, Malabon City, kinuwestyon nito kung saan napunta ang naturang mga E-trike.
Batay sa record ng General Services Department (GSD), ang orihinal na bilang ng E-trike ay 125 unit na dapat mapunta sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Driver’s Association (TODA) habang ang 50 unit ay gagamitin sa “Tricycle Tours” ng Malabon Tourism Office.
Nang mabusisi ang records, lumabas na 133 unit lamang ang nabigyan ng tamang papeles at hindi na mahanap ang 42 pang unit ng E-trike.
Bagama’t nakasaad sa City Resolution No. 92-2019 na may kapangyarihan si Oreta na pumirma sa kasunduan para sa e-trike beneficiaries pero hindi ito lumagda dito kundi ang chairperson ng E-Trike Fleet Management Committee na si Estelito Peniano Jr.
Ang bawat e-trike ay nagkakahalaga ng P533,000.00 kaya umaabot sa P22.4 Milyon ang nawawala para sa 42 unit.
- Latest