50 toneladang basura nahakot sa mga sementeryo — MMDA
MANILA, Philippines — Umaabot sa 50 tonelada ng basura ang nahakot ng mga tauhan ng Metrpolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga sementeryo sa Metro Manila simula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 4.
Ayon sa MMDA Public Information Office, nasa 380 personnel mula sa Metro Parkways Clearing Group (MPCG) ng MMDA na itinalaga sa mga sementeryo para sa paglilinis.
Nakolekta ang nasa 2,347 garbage bags na kinolekta sa 12 trucks katumbas ng 50 tonelada.
Ito’y sa kabila ng panawagan ng mga lokal na pamahalaan at Environment group na EcoWaste Coalition na huwag magkalat sa mga sementeryo sa pagbisita sa mga mahal sa buhay na namayapa.
Noong Oktubre 29, nangampanya pa ang mga kandidato ng Miss Earth kasama ang mga miyembro ng EcoWaste Coalition sa Zero Waste Undas 2024.
Gayunman, kahit may malaking pagbaba ng dami ng mga basurang nakolekta kumpara sa mga mga nakalipas na Undas, lumalabas pa rin ang kawalan ng disiplina dahil umaapaw ang mga basurahan at hindi sinusunod ang waste segregation.
“This is unacceptable as visiting the graves of our dead should be done with utmost respect, including not leaving any trash behind,” ani EcoWaste Coalition national coordinator Aileen Lucero.
Nabatid na nagpakalat ng EcoWaste volunteers na tinawag na Basura patrollers sa 27 pampublkio at pribadong sementeryo sa Luzon, kabilang ang 17 na bumisita sa mga libingan sa Metro Manila noong Nobyembre 1.
Ayon pa sa EcoWaste, kung hindi patuloy na nakasunod ang mga street sweepers sa mga bumibisita sa sementeryo, posibleng magmistulang carpet ng basura ang daraanang kalye at mga eskinita dahil sa kultura na walang habas na pagtapon kung saan-saan ng mga tao.
- Latest