Lalaki, 3 beses binaril sa ulo
MANILA, Philippines — Patay ang isang helper matapos na tatlong ulit na barilin sa ulo ng nakaalitang helper nitong Martes sa Quezon City.
Kinilala ang biktima na si alyas “Mac-Mac”, 24, binata, residente ng Bagong Silang, Caloocan City habang tugis naman ang suspek na si alyas Botong na mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Sa naantalang report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang 7:10 ng umaga ng Disyembre 31, nang maganap ang insidente sa Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni PCpl Errika M. Casupanan, bago ang insidente nakita umano ang suspek na nagkakarga ng bala sa baril.
Makalipas ang ilang minuto biglang pinaputukan ng suspek ng tatlong beses sa ulo ang biktima. Bagamat duguan at nakabulagta na ang biktima ay nilapitan pa ito saka dalawang ulit na sinaksak saka kaswal na naglakad papalayo sa crime scene.
Dinala ang biktima sa Novaliches District Hospital, ngunit hindi ito tinanggap kaya dinala sa Quezon City General Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival dakong 12:07 ng hapon, sanhi ng tinamong tatlong bala ng baril sa ulo at dalawang saksak sa likod
Nasamsam sa crime scene ng SOCO team sa pangunguna ni PCpt. Juvelyn Magay ng QCPD Forensic Unit ng mga basyo ng bala mula kalibre .38.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring insidente.
- Latest