Matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon Higit 29 toneladang basura nahakot ng MMDA
MANILA, Philippines — Nakakolekta pa ng mahigit 29 tonelada o halos pitong truckload ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos ang selebrasyon sa pagsalubong ng Bagong Taon sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa MMDA Public Information Office, nasa 29.16 tonelada sa kabuuan ang nakolekta ng MMDA o 6.63 truckload.
Ito ay resulta ng mga naipon na debris ng mga firecrackers at pyrotechnics device, mga pinagkainang disposable containers, stick, plastics at mga ‘di naubos na pagkain na iniwan sa mga parke, pook-pasyalan at iba pang open spaces.
Bukod pa ito sa kaniya-kaniyang koleksyon ng basura ng mga lokal na pamahalaan sa NCR.
Karaniwan din na tambak ang mga basurang nagmula sa mga vendor ng pagkain at inumin sa mga pasyalan, concert at fireworks display sa mga pampublikong lugar.
Taunang problema ang basura sa mga katulad na okasyon na nagpapakita na hindi pa rin nagagampanan ng mga mamamayan ang tungkulin at responsibilidad sa pagpapahalaga ng anti-littering na may slogan na “Clay-Go” o clean as you go at ang pagbalewala sa solid waste management sa bansa.
- Latest