3 timbog sa P128K droga sa Makati
MANILA, Philippines — Tatlong hinihinalang “tulak” kabilang ang isang ‘Tokhang’ surrenderee ang nalambat ng Makati City Police Station Drug Enforcement Unit at ng Olympia Police Sub-station sa isinagawang buy-bust operation matapos masamsam ang shabu, cannabis oil-infused vapes at marijuana fruiting tops, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “RJ”, 35 taong gulang; alyas “Egay” , 51, tokhang surrenderee noong 2016; at alyas “Ejay”, 25.
Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Bernard Yang, dakong alas-9:05 ng gabi ng Oktubre 2 nang maganap ang operasyon sa Barangay Tejeros, Makati City.
Unang nagpanggap na buyer ang isa sa mga operatiba na nakabili ng P4,500 halaga ng pinatuyong marijuana fruiting tops na ginamitan ng genuine at boodle money bago salakayin ng mga operatiba.
Narekober ang 5.5 gramo ng shabu, 61 gramo pinatuyong marijuana fruiting tops, at 6 na disposable vape na naglalaman marijuana/cannabis oil, na may kabuuang halagang P128,900 bukod pa sa mga ebidensyang weighing scale, 2-cellphone na ginamit sa transaksyon at transparent jar na pinaglagyan ng mga iligal na droga.
- Latest