P334K kush dineliber sa kilalang food chain
Rider na ‘Wow Mali’
MANILA, Philippines — Sinalubong ng isang drug suspect ang Bagong Taon sa kulungan matapos makuhanan ng aabot sa P334,500 halaga ng kush nang magkamaling ideliber sa isang kilalang food chain sa Quezon City nitong Lunes ng hapon.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Acting Director, PCol. Melecio M Buslig, inaresto ng Kamuning Police Station (PS 10) sa ilalim ni P/Lt. Col. Leonie Ann Dela Cruz si alias Napalan, 26, residente ng Brgy. Immaculate Conception, Quezon City dakong 1:15 ng hapon noong December 30, 2024.
Nagresponde ang mga operatiba ng PS 10 matapos ireport ng assistant manager ng Jollibee, sa Tomas Morato Branch, QC na nakatanggap siya ng package na may hindi kaaya-ayang amoy mula sa ‘di kilalang rider.
Nang inspeksyunin ng mga pulis sa tulong ng mga opisyal ng Brgy. Laging Handa, ay nadiskubreng marijuana o kush ang laman nito.
Nabatid sa assistant manager, na hindi sa kaniya ang package at nagkamali ang rider na pagdadalhan niya na kinalaunan ay natunton din ang suspek na nagpadeliber ng marijuana.
Nasamsam ang 223 gramo ng high-grade marijuana (kush) na nagkakahalaga ng P334,500.
Bukod dito, dalawa pang suspek ang inaresto ng magkaibang himpilan ng pulisya at nakumpiska ang P44,200 halaga ng iligal na droga.
Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa harap ng Quezon City Prosecutor’s Office.
- Latest