Rider hinoldap, tinodas ng pulis!
Motorsiklo tinangka pang tangayin
MANILA, Philippines — Bulagta ang isang 27-anyos na motorcycle rider na nakaparada lang matapos masiraan sa daan nang lapitan, holdapin at pagbabarilin umano ng isang aktibong pulis, sa Parañaque City, Sabado ng umaga.
Dead-on-the spot ang biktima na kinilalang si Neil Wong, 27-anyos, habang nasa kustodiya na ng Parañaque City Police ang suspek na kinilalang si Jayrome Licuanan y Bulay-Og, miyembro ng Philippine National Police na nakatalaga sa Mobile Patrol Security Unit (MPSU) ng Aviation Security Group (Avsegroup) at residente ng Caloocan City.
Batay sa ulat, dakong alas-6:48 ng umaga nitong Marso 30 nang maganap ang insidente sa C5 Rd. Extension, Brgy. San Dionisio, ng nasabing lungsod na boundary ng Las Piñas City.
Sa pagresponde ng Mobile car 314 ng Parañaque City Police Sub-station 4, nadatnan na nakabulagta na si Wong sa tabi ng kaniyang NMAX scooter na may plakang 669 PAU.
Tiyempo naman na may nagpapatrolyang pulis at naaresto agad ang tumatakas na suspek na nadiskubreng isang pulis din at nakilalang si Licuanan.
Dinisarmahan si Licuanan ng kaniyang service firearm na kalibre 9mm Zigana, at kinumpiska ang kaniyang PNP ID, driver’s license, ATM card, isang Samsung at isang Oppo Reno cellphones na pag-aari ng biktima, at isang TAP tactical bag.
Isang lalaking saksi ang nagsabi na una niyang nakitang nag-uusap ang biktima at suspek hanggang sa marinig niya ang mga putok kaya sinigawan pa niya ng “Hoy!” ang suspek.
Sinubukan pa umano ng suspek na tangayin ang motorsiklo ng biktima subalit hindi ito napaandar kaya napilitang iwan.
Nabatid na ang biktima ay nakaparada pansamantala sa lugar dahil nasiraan ito ng motorsiklo.
Sa kulungan, ikinatwiran ng suspek na nagawa niyang barilin ang biktima dahil binato umano siya at minura.
“Bigla nya ko binato out of nowhere, kala ko ‘di nya sinasadya, tapos maya-maya bigla nya ‘ko minura …kaya ‘yun binaril ko sya,” ani Licuanan.
Sinabi ni P/Capt. Melvin Garcia, chief investigator ng Parañaque CPS, “robbery” ang nakikita nilang motibo sa krimen.
Inihahanda na ang kasong “robbery with homicide” laban sa nasabing pulis at aalamin kung may iba pa siyang kaso ng “agaw-motorsiklo” at kung mayroong mga kasabwat.
- Latest