PTFoMS umaksyon vs pag-atake sa lady journalist
MANILA, Philippines — Inaksyunan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang ginawang pagbabanta sa buhay at pagnanakaw diumano ng isang opisyal ng securtity agency sa 88.7 New FM radio anchor at field reporter noong Marso 12, 2024 sa Balubad, barangay Balibago, Angeles City.
Sinabi ni PTFoMS Executive Director Usec. Paul M. Gutierrez, na inihain laban sa isang alyas “Mico noong Marso 22, 2024 ang mga reklamong for robbery with intimidation, grave threat, grave coercion, oral defamation, at illegal possession of firearms.
Nabatid na ang complainant na si Rowena Rubesada Quejada ay isa sa miyembro ng media na nag-cover sa marahas na demolisyon sa Clarkhills property sa pagitan ng mga residente at demolition team na kasama ang mga tauhan ng isang security agency.
Bukod kay Quejada, isa pang miyembro ng media na si Joann Manabat, ng Rappler online, ang pinagbantaan din umanong babarilin kung itutuloy ang pagkuha ng video sa nagaganap na demolisyon. Pinili niya na huwag nang maghain ng reklamo.
Sinabi ni Quejada sa kaniyang sworn statement na tinutukan siya ng baril sa mukha at inagaw ang kaniyang cellphone na gamit sa pagkuha ng video.
Sinabihan din umano siya ng :“Kayong mga media ang mga demonyo, dapat sa inyo ibinabaon ng buhay o pinapatay! Matagal na dapat tapos ang demolisyon dito pero dahil sa mga putang-inang media katulad ninyo, tumatagal ang trabaho namin!
Nagawa pa umanong kumuha ng crowbar ng suspek at akmang aatakehin siya subalit ang nakasaksing residente, ang matandang Japanese national at asawa ang gumitna at nakiusap na sumama sa kanilang bahay para walang mangyaring masama.
Nagpasalamat naman sa PTFoMS ang mga miyembro ng Central Luzon Media Association (CLMA) at Pampanga chapter ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa ginawang pag-alalay kay Quejada sa paghahain ng mga reklamo sa Angeles City Prosecutor’s Office.
- Latest