Travel agency sa Maynila, nasa hot water
MANILA, Philippines — Nakatakdang ipakansela ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) ang lisensya ng isang travel agency sa Maynila makaraang matuklasan na sangkot sa recruitment ng mga estudyanteng Pinoy para sa ‘study-work program’ ng gobyerno ng Taiwan.
Tinukoy ni MECO chairman Silvestro Bello III ang JS Constractor, na nakabase sa Intramuros, Maynila na sangkot sa recruitment at paghingi ng malaking halaga ng salapi sa mga estudyante para maipadala sila sa Taiwan.
“Hindi ito ang unang pagkakataon na inireklamo ng mga magulang at estudyante ang recruitment agency. Bago ako umupo sa puwesto, sangkot na ang agency na ito sa recruitment ng mga estudyante,” ayon kay Bello.
Sa kanilang rekord, tinukoy ang naturang agency sa pagpapadala ng mga mag-aaral mula sa Philippine Christian University. Sila ang bumubuo sa unang batch ng scholars sa Taiwan noong 2019.
Nang mabatid ito ng Taiwan Ministry of Education, binawasan nito ang subsidiya sa mga unibersidad para sa programa at hinigpitan ang enrollment ng mga dayuhang mag-aaral.
Sa isang pulong noong Oktubre 2020 sa mga opisyal ng MOE, tinukoy ang JS Contractor na siyang nagre-recruit ng mga estudyante para sa Kun Shan University at Kao Yuan University habang dalawa pang manpower agency ang nagre-recruit ng mga estudyante naman para sa Far East University of Science and Technology.
Nabatid na naniningil umano ang JS Contractor ng tig-P45,000 sa 32 estudyante na pinadala nila sa Taiwan. Nakapaloob sa halaga ang tiket sa eroplano, visa, overseas employment certificate at “pre-departure orientation seminar fee.
Dahil dito, nakipag-ugnayan na ang MECO sa Department of Migrant Workers (DMW) para kanselahin ang lisensya ng ahensya upang mahinto ang aktibidad nila sa pagre-recruit.
- Latest